2 sugatan sa panibagong insidente ng pamamaril sa Lucena City
Sugatan ang dalawang lalaki sa bagong insidente ng pamamaril sa Lucena City nitong Huwebes ng gabi.
Nangyari ang pamamaril dakong alas 9:30 ng gabi sa Maharlika Highway, Brgy. Ibabang Iyam.
Ayon sa imbestigasyon, naglalakad lamang sa lugar ang biktimang si Jordan Roxas Pilar, 28 anyos, construction worker, residente ng Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City nang barilin ito ng riding in tandem suspect.
Nagtamo ito ng mga tama. Nahagip din ng ligaw na bala ang isa pang biktima na si Fredyrex Jaco Catubua, 35 anyos, driver, na nagkataong kumakain sa lugar nang mangyari ang insidente.
Mabilis na tumakas ang mga suspek na magkaangkas sa isang enduro motorcycle patungo sa direksyon ng City proper.
Isinugod ang dalawa sa ospital at nasa stable na ang kalagayan. Patuloy pa ang imbestigasyon sa pangyayari at na inaalam kung sino ang mga salarin.
Ito na ang ikatlong kaso ng shooting incident sa Lucena City sa loob lamang ng isang linggo.
Noong umaga ng May 9, 2023 patay ang mag-ama sa Barangay Mayao Castillo ng pagbabarilin din riding in tandem.
Kinabukasan May 10, pasado alas siyete ng umaga sa Barangay Isabang, isang 48-anyos na lalaki rin ang pinatay ng de motorsiklong salirin habang papauwi sa kanilang tahanan.
Sa ngayon wala pang malinaw na resulta sa imbestigasyon ang Lucena PNP. Sa mga insidenteng ito wala pang pahayag ang chief of police ng Lucena City.