Lucena City, kinilala sa implementasyon ng RCEF Program
Pinarangalan kamakailan ng Department of Agriculture ang iba’t ibang lokal na pamahalaan na nagpakita ng husay at dedikasyon sa pagpapatupad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF Program.
Itinanghal ang Lungsod ng Lucena bilang Dry Season Excellence Awardee para sa medium-scale category sa ginanap na 2022 PhilRice RCEF Annual Review nitong Biyernes sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija.
Personal tinanggap ni OIC-City Agriculturist Jirah Lou Merano ang parangal kasabay ang pagpapaabot ng pasasalamat sa naging bahagi ng tagumpay na ito.
Bukod dito, itinanghal din bilang Excellence Awardee ang munisipalidad ng Quezon, Quezon para naman sa small-scale category.
Sa ilalim ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law, itinatag ang Rice Competitiveness Enhancement Fund upang mapaunlad ang competitiveness at kita ng mga magsasaka.