Maninindahan sa pamilihang-bayan ng Padre Burgos, Quezon, libre ang upa
Ikinatuwa ng mga maninindahan sa Padre Burgos, Quezon ang pagkakaroon ng libreng upa sa pamilihang-bayan.
Sa executive order ni Mayor Ruben Uy Diokno, walang bayad sa upa ang mga may pwesto ng tindahan sa looban ng pamilihan nang tatlong buwan mula ngayong buwan ng Oktubre hanggang Disyembre. Hindi rin sisingilan ang mga ito ng business permit sa susunod na taon.
Ayon sa local government, layunin nito na mahikayat ang mga magtitinda na gawing sentro ng kalakaran ang pamilihang bayan.
Kaugnay ang pribilehiyong ito sa muling pagbubukas ng pamilihan na ginanap nitong ika-10 ng Oktubre na pinangunahan ng punong-bayan, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, department heads, iba pang kawani ng lokal at nasyunal na pamahalaan at mga vendors.
Hinihikayat ng LGU ang mga residente na suportahan ang mga maninindahan sa nabanggit na pamilihan upang kahit paano’y makaahon at mapalakas ang ekonomiya ng bayan na naapektuhan ng pandemya.

