News

Kalilayan Jiu-jitsu sa Lucena City, nag-uwi ng mga medalya sa Asian Sports Jiu-jitsu Federation Manila Jiu-jitsu International Open

Nag-uwi ng karangalan at Gintong medalya at Silver ang mga miyembro ng Kalilayan Jiu-Jitsu Club sa Lucena City sa katatapos lamang na Asian Sports Jiu-jitsu Federation Manila Jiu-jitsu International Championship 2023 nitong April 1 hanggang 2.

Sa larangan ng sports na Jiu-jitsu, hindi magpapahuli ang Lucena City patunay ang mga medalyang nakamit sa nasabing kompetisyon ng mga Jiu-jitsu player ng Kalilayan Jiu-Jitsu.

Sa walong pambato ng Kalilayan Jiu-jitsu Club sa naturang kompetisyon kontra sa ibang mga player ay nag-uwi ng isang Gintong Medalya si Aleina Bella Salamillas, sa katergoryang Jr. Teen Female, isang Gold si Aliyah Jorgina Salamillas, sa katergoryang Pre-Teen Female, dalawang gold si Denicah Untalan sa kategoryang Teen Female at Exhibitiong Match, isang silver si Jose Ladiana Jr. sa kategoryang Master 3, isang silver si Louis Bitangcor sa kategoryang Jr. Teen Male at isang silver si Azthasia Salvadora sa kategoryang Teen Female.

Nasungkit ng 11-anyos na si Aleina Bella Salamillas ang Gold Medal para sa Jr. Teen Female Under 37.6 Kilos, ayon sa kanya ginamitan lang daw niya ng mga pangunahing pamamaraan at ibinuhos sa kompetisyon ang natutunan sa training.

Gold Medal rin ang nasungkit ng 9 na taong gulang na si Aliyah Jorgina para sa Pre Teen Female Under 40.8 Kilos, disiplina raw sa training ang isa sa dahilan kung bakit niya nakasungkit ang medalya.

Aminado naman sina Coach RJ Salamillas at Coach Nadine Potes na ang ikalawang laban nila sa nabanggit na torneyo ay mabigat dahil may kaakibat itong ranking kumpara sa unang sabak nila sa 2023 South East Asian Gi and No Gi Friendship Games na ginanap sa isang mall sa Makati City kamakailan.

Sinabi ni Coach Salamillas na bahagi raw ng in-house competition na ginawa nila sa kanilang gym kamakailan ang pagsabak sa mga kompetisyon.

Sinabi naman ni Coach Nadine na disiplina raw ang pangunahing kailangan upang mas maging mahusay sa nabanggit na larong pampalakasan.

Sa kabuuan ang Kalilayan Jiu-jitsu sa Lucena City ay nakapag-uwi ng 7 medalya binubuo ng 4 na ginto at 3 pilak.

Pin It on Pinterest