Mga pauwing probinsya para sa Semana Santa dagsa na ngayong araw sa Philippine Ports Authority sa Lucena City
Dumagsa na ngayong araw ang mga pasaherong uuwi sa mga lalawigan para gunitain ang Semana Santa.
Punuan na kasi ang Passenger Terminal Building sa PTB Area 1, 2 and 3 sa Philippine Ports Authority o PPA sa Lungsod ng Lucena na pauwi sa mga probinsya.
Ayon kay Kevin Emmanuel Largado, Acting Executive Assistant ng PPA, tinatayang nasa 18, 000 ang umuwi sa mga probinsya simula nitong Sabado hanggang Martes, April 4.
“Base doon sa naitala namin simula April 1 pa lang nagmonitor na kami hanggang kagabi nasa 18,000 pasahero ang tumatawid papunta sa Romblon, Marinduque at Masbate.”
Ngayong araw ng Miyerkules hanggang bukas, araw ng Huwebes inaasahan ang pagdagsa ng mas maraming pasahero dahil ito ang huling araw ng trabaho bago ang long weekend.
“Inaasahan pa namin na baka dumami pa ito hanggang bukas dahil mag-uuwian na po ang mga pasahero ngayon dahil half day nga ang pasok natin so siguro hanggang Biyernes ng madaling araw marami pa rin yan.”
Habang nasa mahigit 4,000 naman ang bilang ng mga pasahero na dumating sa lungsod na mula sa ibang mga probinsya.
Ayon sa mananakay na si Teodoro, pasado alas 2:00 pa ng madaling araw nang makarating ang kanilang pamilya sa PPA ng lungsod na nanggaling pa ng Maynila, inagapan daw nila ang biyahe para makauwi agad sa probinsya ng Marinduque pero pagdating nila ay hindi rin agad sila nakasakay ng barko dahil sa dami ng pasahero.
“Kaninang madaling araw pa kami dito gawa ng maaga kaming umalis ng Maynila para makasakay agad kami ng barko yun pala naman ay punuuan na agad.”
Pasado alas 11:00 naman kaninang umaga, April 4, medyo mahaba na rin ang pila ng cargo truck at iba pang sasakyan sa terminal ng roll-on, roll-off o RORO vessels.
Nagbabalak naman daw ang shipping lines na magkaroon pa rin ng biyahe sa Biyernes Santo para makapagserbisyo sa mas marami pang pasahero.
“Base kasi doon sa impormasyon namin galing don sa shipping lines dapat talaga walang biyahe ng Biyernes Santo pero kung sa konsiderasyon nga po hangga’t meron daw pong pasahero ay ibabiyahe pa rin nila.”

