Panukalang dagdag bed capacity sa mga ospital sa Quezon, pasado sa ikalawang pagbasa sa Sangguniang Panlalawigan
Lusot na sa ikalawang pagbasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon ang panukala para sa pagdaragdag ng bed capacity sa mga ospital sa probinsya.
Pangunahing nakapaloob sa ordinansa na ini-akda ng joint committee on laws and health ang pagpapataas ng kapasidad ng 15 public hospital sa Quezon na layong mapabuti ang kalidad ng health care system.
“This is in preparation para sa pagtaas ng iba’t ibang level ng accreditation ng mga ospital,” ani Board Member John Joseph Aquivido, chairman ng Committee on Health.
Kabilang sa mga ospital na pinadadagdagan ng kapasidad ang Quezon Medical Center na hinihiling na madagdagan ng 300 bed capacity, Bondoc Peninsula District Hospital na may adisyunal na 175, San Francisco Municipal Hospital na mula sa 10 ay gagawing 92 bed capacity, Quezon Provincial Hospital Network – Alabat at Claro M. Recto Hospital na may tig-60 adisyunal na bed capacity.
Samantala, ang ibang pagamutan sa lalawigan ay iminumungkahing dagdagan ng hindi hihigit sa 50-bed capacity.
Ayon kay Board Member John Joseph Aquivido, chairman ng Committee on Health, sadyang may mga ospital na maliit ang dagdag na bed capacity dahil isa sa ikinosonsidera dito ay ang espasyo ng mga pagamutan.
“For example, ito pong Catanauan from 25 to 200, ang dahilan po mayroon po kasing malawak na espasyo ang Catanauan District Hospital na pwedeng magtayo ng panibagong building at magdagdag para mag-accomodate ng 200 bed capacity”.
Inihayag din ng bokal ang Bondoc Peninsula District Hospital ay ini-a-apply na bilang level 2 institution upang apex hospital o kayang mag-alok ng specialized services para sa ikatlong distrito ng probinsya.
Habang ang QMC naman ay isinulong na maging level 3 training institution para magkaroon ng karagdagang serbisyo tulad ng neuro-surgery at magsagawa ng iba pang transplant procedures.

