News

1 patay, 10 sugatan sa pagsalpok ng wing van sa van sa Lucena City

Patay ang isang lalaki habang sampu ang sugatan nang sumalpok ang isang Wing Van sa isang Besta Van sa Diversion Road, National Highway, Barangay Domoit sa Lungsod ng Lucena nitong Biyernes, October 28.

Ayon sa report ng Lucena Police, bandang alas 12:05 ng hating-gabi naganap ang aksidente habang binabagtas umano ng naturang wing van na minamaneho ni Aries Nacor, 24-anyos ang direksyon patungo sa Sariaya nang mag-overshoot ito sa kabilang linya saka sumalpok sa isa pang van kung saan nakasakay ang sampung pasahero na minamaneho naman noon ni Arjay Nosido Dela Cueva, 31-anyos.

Dahil dito, nagtamo ng iba’t-ibang mga pinsala sa katawan ang mga biktima kung kaya agad na isinugod ang anim rito sa Quezon Medical Center habang ang iba ay nasa Lucena United Doctors Hospital.

Samantala, idineklara namang dead on arrival si Cueva ng sumuring doktor.

Sa pahayag ng driver ng wing van, sinubukan umano niyang iwasan na mabangga ang isang motorsiklo sa kanyang unahan kung kaya lumiko ito sa kaliwang lane ngunit doon na siya sumalpok sa naturang van.

Sa ngayon patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa aksidente.

Pin It on Pinterest