News

Tax amnesty program ng Lucena City sa mga hindi pa nakakabayad ng buwis, tangkilikin

Sa ikalawang pagkakataon, ang Pamahalaang Panlungsod ng Lucena ay nagpapatupad muli ng tax amnesty program para sa lahat ng delinquency sa real property tax sa siyudad.

Sa bisa ng City Ordinance No. 2821 na ipinasa sa Sangguniang Panglungsod ng Lucena, bibigyan ng amnestiya sa pagbubuwis ang lahat ng may pagmamay-ari sa siyudad ng lupa, bahay o building at makinarya na hindi pa nakakabayad ng property tax buhat noong taong 2022 pabababa.

Ayon kay Lerma Fajarda ng Treasurer’s Office ng Lucena LGU, nakasaad sa tax amnesty program na 50% sa kanilang mga interes o penalty ang mababawas.

“Ang pwede po maka-avail nito ay ‘yung hindi nakabayad ng 2022 pababa po 21, 20 at ang ibinibigay po ng pamahalaang panlungsod ay ang pagbibigay kung halimbawa po ay ang tax due n’yo sa taong ito po ay 200 thousand tapos ang penalty na in-imposed po ng pamahalaan is hundred thousand doon pa sa interest ng hundred thousand babawasin po namin ng 50% so ang magiging bayaran n’yo na lang ay 150,” sabi ni Fajarda.

Sa mga mag-a-avail at magfi-file nang maaga, may installment basis na ino-offer ang Treasurer’s Office maaaring magbayad ng 25% sa kanilang tax due.

“Kung ma-avail n’yo ito magpapa-file kayo sa aming tanggapan nang mas maaga ngayon pong June pwede po natin gawin itong installment basis. Magbabayad lang po kayo ng 25 % kung magkano ‘yun tax due ito po ay ibabawas na din namin ‘yung penalty o interest ‘yung 50% tapos idi-divide po natin sa remaining months,” saad ni Fajarda.

Magtatapos ang tax amnesty program ng lokal na pamahahaan ng Lucena sa October 31, 2023. Nagsimula ito noong May 1 ng taon din na ito.

Nanawagan ang Treasurer’s Office sa mga real property owner sa Lucena City na hindi pa naaayos ang kanilang mga bayarin sa buwis na i-avail ang programang ito lalo na raw iyong mga malalaki na ang bayarin sa buwis.

“Malaking tulong ito sa mga real tax payer na may pag-aari na real property dito sa lungsod. Gusto po namin na ang lahat po ay maka-avail nito lalong-lalo doon sa mga sadyang malaki na ang bayarin sa buwis. Malaking tulong na po ito sa inyo para maisaayos po natin ang ating mga pamuwisan sa Lungsod ng Lucena kasi ang sabi nga ni Mayor Mark ay bigyan pa sila ng pagkakataon na muli ay maka-avail ng ganitong programa kasi dumaan tayo sa pandemic. Gusto ni Mayor Mark na matulungan ang ating mamamayan,” ani Fajarda.

Sabi ni Fajarda, may mga administrative remedy na raw na gustong ipatupad ng Bureau of Government Finance na nag-aatas na sa kanila na i-auction na iyong mga properties na raw pinapansin ng mga may-ari upang maisaayos ang mga buwis.

“Niri-rate din kasi ang LGU tungkol sa mga koleksyon namin lalo sa Department of Finance,” sabi ni Fajarda.

Taong 2022 nang unang magpatupad ng tax amnesty program ang lokal na pamahalaan ng Lucena City.

Pin It on Pinterest