Pagtatanim ng Bakawan, tututukan ng Munisipalidad ng Quezon
Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Lokal ng Quezon, Quezon ang pangangalaga sa kalikasan. Isa sa mga hakbang nila rito ay ang pagtatanim ng bakawan.
Kasabay nang pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month, nagtungo ang kawani ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaang lokal sa bayan ng Guinayangan para pag-aralan ang wastong pagtatanim nito at masilayan ang ipinagmamalaking Mangrove Board Walk ng munisipalidad.
Ayon sa Quezon LGU, isa umano ito sa hakbang nila para sa mas pagpapatibay ng kahandaan sa sakuna at pagpapalawak nang pang-unawa sa pangangalaga sa kapaligiran.
Samantala, ibinahagi naman ng mga kawani ng Pamahalaang Pambayan ng Guinayangan hindi lamang ang wastong pagtatanim at pag-aalaga sa Bakawan kung hindi maging ang naging magandang dulot nito sa kalikasan at sa pagpapayabong ng turismo sa kanilang pamayanan.

