News

Araña’t Baluarte Festival sa bayan ng Gumaca, pinaghahandaan

Mahigit dalawang taon na limitado at payak ang pagdiriwang ng mga kapistahan sa bayan ng Gumaca, Quezon dulot ng pandemyang nararanasan sanhi ng COVID-19.

Ngayong taong 2023 hindi pa rin mawawala ang pag-iingat, ngunit ang lahat ay malaya nang makapagdiriwang ng kinagisnang kapistahan ng Patron San Isidro Labrador.

Puspusan na ang ginagawang paghahanda upang muling bigyang buhay at kulay ang pagdiriwang ng ipinagmamalaking Arañat Baluarte sa nasabing bayan sa May 15, 2023 at inaasahan ang pagdagsa ng mga panauhin mula sa iba’t ibang lugar upang makiisa, makisaya, makiagaw at magpasalamat sa masaganang ani ng mga magsasaka.

Sa nalalapit na araw na ito, batid ang nag-uumapaw na pananabik ng bawat isa sa pagdiriwang ng kapistahan ng San Isidro Labrador lalo na sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang dalawang taong pandemya dulot ng COVID-19, ay muli itong sasalubungin at ipagdiriwang na puno ng pag-asa at saya.

Masisilayan dito ang makukulay at malikhaing disenyo ng mga Arana’t Baluarte na puno ng palamuting mga gulay at prutas na mula sa ani at pagsisikap ng mga bayaning magsasaka.

Kaya inaanyayahan ang lahat na makiisa at makilahok sa nalalapit na Araña’t Baluarte Festival na ipinagmamalaki sa bayang ng Gumaca, Quezon.

Pin It on Pinterest