Bagong taripa sa tricycle, P20 na sa Lucena City
Inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena nitong September 15, 2022 ang bagong singil ng pasahe sa tricycle sa pamamagitan ng City Ordinance No. 2796.
Ilang beses ding nagkaroon ng pagdinig sa Sanggunian nitong mga nakaraang buwan kasama ang iba’t ibang sektor bago maaprubahan ang ordinansa. Kasama sa mga paksang tinalakay sa pagdinig ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina at mga bilihin.
Nakapaloob din sa ordinansa ang mandatong bawat tricycle ay dapat maglagay ng Authorized Fare Rate na manggagaling sa Lucena City Franchising & Regulatory Office.
Ayon naman kay Noriel Obcemea ng City Franchising Office Chief, batay sa ordinansa na ang minimum fare o pamasahe kada dalawang (2) kilometro o within the City Proper ay magsisimula sa Php 20.00 at ito ay may karagdang Php 5.00 sa bayad dagdag na isang kilometro.
“Nagkaroon na ng ordinansa para po sa pamasahe dito sa ating lungsod at ayon po sa ordinansa na naaprubahan po ng Sangguniang Panlungsod, mayroon pong halagang P20.00 sa regular passenger ‘yun po ay sa first 2 kilometer or within the City Proper at P5.00 for every succeeding kilometer ‘yan po ang inapproved ng ating Sangguniang Panlungsod.”
Aniya, nakalagay naman sa ordinansa ang discounted rate para sa mga senior citizens, estudyante maging mga persons with disability.
“’Yun po naman ay nasa batas na ang mga tinatawag nating mga senior citizens, ang ating mga Persons with Disability at ang ating mga estudyante ‘yan po ay automatic na magkakaroon ng discount na 20%. Halimbawa po kung P20 ang bayad kung 20% magiging P16 lang po.”
Samantala, binigyang-diin ni Obcemea na hindi pwedeng maningil ng bagong taripa ang sinumang tricycle sakaling wala pa ang mga ito ng fare matrix na nakapaskil sa loob ng tricycle.
Ang paglabag dito ay maaaring idulog sa City Franchising & Regulatory Office.