Barangay Cuatro, itinanghal na overall champion sa 1st Mayor Mark Alcala Barangay Fire and Rescue Olympics 2023
Itinanghal bilang Overall Champion ang Barangay Cuatro sa Lungsod ng Lucena sa isinagawang 1st Mayor Mark Alcala Barangay Fire and Rescue Olympics 2023.
Mula sa 19 na barangay na partisipante, 6 na barangay dito ay nakapasok sa nasabing kompetisyon na kung saan ay nanguna ang Barangay Cuatro habang 1st runner up ang Barangay Ibabang Talim at 2nd runner up ang Barangay Ibabang Dupay”.
Bawat team ay dumaan sa tatlong araw na pagsasanay na kinabibilangan ng bucket relay, rescue and transfer relay, flammable liquid fire extinguishment, hose laying ang replacement of busted hose, best in spineboard management at iba pa.
Ayon kay Kapitana Editha Carurucan, worth it ang naging pagod nila dahil bukod sa itinanghal na overall champion ay napapalakas nito ang kanilang kaalaman dahil malaki aniyang tulong ito lalo na sa mga residente.
“Ang nagparticipants within 33 barangays ay 19 lang po at kami nga ho ay mapalad at napasama nga ho yung Barangay Cuatro doon sa 6 na kami ay magcocompete na ginawa nga ho nung Lunes.”
“Kailangan namin ito, kailangan ng bawat barangay na ma-trained katulad ng ganitong sa Fire o sa anmumang kalamidad dito sa atin sa barangay, lalo tayo ay madalas na binabaha tapos yung ano yung mga meron tayong lugar nap ag lumindol ay may maaapektuhan tapos ito nga number 1 naman talagang pinag-iingatan ay yung fire.”
Nasungkit aniya nila ang overall champion dahil itinanghal sila bilang Best in Bucket Relay, Best in Rescue and Transfer Relay at Best in Flammable Liquid Fire Extinguishment habang Best in Hose Laying and Replacement of Busted Hose ang Barangay Ibabang Talim at Best in Spineboard Management ang Barangay Dalahican.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Bureau of Fire Protection o BFP Lucena, LCDRRMO at DILG sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Mark Alcala.
Layon ng aktibidad na sanaying mabuti ang mga taga barangay, upang sa panahon ng mga sakuna o emergency ay makapagbigay sila ng paunang tulong sa mga biktima.
Pinasalamatan naman ng punong barangay ang inisyatibong ito ng lokal na pamahalaan, dahil bukod sa madaragdagan ang kanilang kaalaman ay mas magiging handa sa pagresponde.

