Barangay Dalahican nagpaalalang dapat ay maging maingat kaugnay ng insidente ng pagkalunod nitong Semana Santa
Nagpaalala ang mga opisyales ng Barangay ng Barangay Dalahican sa Lungsod ng Lucena sa mga kabarangay nito maging sa mga lokal na turista na dapat ay maging maingat kaugnay ng naitalang insidente ng pagkalunod nitong Biyernes sa bahagi ng Barangay Talao-Talao sa paggunita ng Semana Santa.
Sa atas ni Kapitan Roderick Macinas, agad nagsagawa ng pagpapatrolya ang mga opisyales ng barangay sa karagatang sakop ng lugar maging sa karatig barangay upang paalalahanan ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak upang maiwasan muli ang insidente ng pagkalunod.
Kasama rin sa pagpapatrolya ang mga Barangay Police para mapanatili ang kaayusan at katamikan sa lugar.
“Matapos yung aming pagroroving dito po sa dalawang pangunahing lansangan dito po sa Barangay Dalahican sa Ibaba’t Ilaya na kung saan siya po pangunahing dinadaaanan ng mga nag-oouting so matapos po non naglipat naman kami sa dagat nagpatrolya po kami bilang sa komitiba po ng peace and order kami po nagbigay babala paalala sa mga magulangin na ang kanilang mga anak ay huwag iiwanan ng tingin bagama’t sila’y nagkakasiyahan.”
Katuwang naman ng Motorist Assistance Center ang mga Barangay Police at Barangay Peacekeeping Action Team o BPATS Volunteers sa pag-asiste ng daloy ng trapiko.
Sa kabuuan ay naging maayos at payapa ang paggunita ng Semana Santa sa Barangay Dalahican.