Birthday cash gift ng mga senior citizens, dinagdagan
Matagumpay na isinagawa ang programang Barangay Hall sa Purok na ginanap sa kalye Bayabas, Purok Atin – Atin III ng Pamahalaang Barangay ng Barangay Market View sa Lungsod ng Lucena.
Kaalinsabay ng nasabing programa ang pamamahagi ng Senior Citizen Birthday Cash Gift sa tinatayang humigit kumulang 150 Senior Citizens mula sa Purok Atin – Atin 1,2 at 3 alinsunod sa Barangay Ordinance Number 002 s. 2022 na inilathala ni Committte Chairperson on Sectoral Concerns Kgwd. Janinne Napule.
Sa ilalim ng Ordinansa mula sa dating P300 na ipinagkakaloob sa mga senior citizen, ay itinaas sa P500 ang pagbibigay ng birthday cash gift para sa naturang sektor mula sa pondo ng barangay.
“Isinulong po natin ang Barangay Ordinance Number 002 s. 2022 at ito po ay naaprubahan ng January 25, 2022 sa Sangguniang Barangay. Kasi po alam naman po natin na nagdaan po sa pandemya at sa nagdaan pong dalawang taon mahigit na lahat po tayo ay nakaranas na mahirapan po sa pagtaguyod o sa pagtawid po para sa pang-araw araw natin pamumuhay” ani Kgwd. Napule.
Bukod pa raw ito sa ipinagkakaloob ng Pamahalaang Panlungsod ng Lucena na P1000 na birthday cash gift.
Sa kabuuan ay tumatanggap ng P1,500 na nagdiriwang ng kanilang kaarawan ang mga nakakatandang sektor sa lugar.
“Bukod pa yung tinatanggap sa Lucena City na halaga po na P1000 sa barangay level naman po ay nagbibigay po kami ng halagang P500 sa bawat isang senior citizen sa atin ng sagayon po ay makatulong sa pambili po ng kanilang maintenance na gamot or pantawid po pang araw araw nilang pangangailangan”.
Ayon sa ilang senior citizen na nakausap ng Bandilyo News Team, malaking tulong daw sa panahon ngayon ang natatanggap nilang cash gift mula sa Lucena LGU at barangay dahil kahit papaano ay nakakatulong sa gastusin.
Dagdag pa ni Napule, patuloy daw ang hakbangin at kapamaraanan ang patuloy na isasagawa upang mas maiangat ang estado ng kanilang pagbibigay serbisyo at paglilingkod sa mamamayan ng MarketViewhin.