Magkapatid na paslit, patay sa sunog sa Plaridel, Quezon
Patay ang dalawang paslit nang sumiklab ang apoy sa kanilang bahay sa Sitio Libis, Brgy.Tanauan, Plaridel, Quezon.
Ayon sa report pulisya, sumiklab ang sunog sa bahay ng mga biktima dakong alas 4:00 ng hapon habang ang dalawang batang lalaki na isang 4-na taong gulang at isang 1-taong gulang ay nasa loob ng bahay.
Ayon sa 22-anyos na nanay ng mga biktima, iniwan niya saglit ang dalawang anak sa bahay upang kumuha ng gulay sa bukid.
Subalit pagbalik niya ay tupok na ang buong bahay at hindi na nakalabas ang dalawang bata.
Batay sa imbestigasyon, gawa sa light materials ang bahay at nagsosolo itong nakatayo sa lugar na nasa bulubunduking bahagi na ng bayan ng Plaridel.
Aabot sa P2,500 ang halaga ng natupok na bahay.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa sanhi ng sunog.