DepEd-Lucena, nilinaw na nakadepende pa rin sa mga magulang kung papayagan ang mga anak sa face-to-face classes
Nilinaw ng Department of Education o DepEd Lucena na nasa mga magulang at mga guro pa rin ang desisyon kung papayagan ng mga ito ang kanilang mga anak sa face-to-face classes dahil pa rin sa COVID-19 pandemic. Ito’y kasunod ng pagpayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng dry run ng limited face-to-face classes. Sa eksklusibong panayam ng Bandilyo at Max Radio kay Lucena City Schools Division Superintendent Dr. Hermogenes Panganiban ay sinabi nito na nakadepende pa rin sa mga guro kung papayag ang mga ito na magturo nang face-to-face sa mga estudyante.
“Kung dumating po ang pagkakataon na magkakaroon na rin po ng pagkatapos ng pilot testing yan po ay tatanungin din naman ang ating mga magulang at hindi po natin pwepwersahin na puamsok yung mga bata, kinakailangan po yung permission ng ating mga magulang bago po maisagawa yan. Syempre po ang kinakailangan po naman ay ang pagtugon lagi ng ating mga guro, kung halimbawa kinakailangan na magkaroon ng face-to-face siyempre po naroon po yung pagsunod ng ating mga kasamang guro.”
Aniya, maaari naman umanong payagan ang nasa 12 estudyante sa isang classroom. Ngunit sa mga susunod naman na linggo ay papalitan ang mga ito ng nasa 12 ulit na mga estudyante at iba ring mga guro ang papasok sa nasabing klase.
“Hindi po naman lahat ng ating mga bata ay sabay-sabay doon sa pagpasok tulad nga po sa kinder yung sa gagawin pong pilot testing 12 lamang po na mga bata at every other week pa yung pasok”. Sa ngayon, wala pa umanong kautusan na binababa ang DepEd para sa pagsasagawa ng face-to-face classes” ayon sa opisyal ng DepEd Lucena.