Higit 1,000 college students, nakatanggap ng educational aid sa Tiaong, Quezon
Nasa 1,088 estudyante sa kolehiyo sa Tiaong, Quezon ang nakatanggap ng educational assistance mula sa pamahalaang bayan at Department of Social Welfare & Development Office (DSWD) Region 4-A.
Ayon sa local government, ang nasabing programa ay bunga umano ng personal na pakikipag-ugnayan ni Mayor Vincent Arjay Mea sa dating kalihim ng DSWD na si Erwin Tulfo at isa lamang ang kanilang bayan sa mga napili ng ahensiya patungkol sa cash assistance.
Bago ang pamamahagi ng educational assistance ng mga kinatawan ng DSWD Region 4A ay nagkaroon din ng maikling programa kung saan nagpaabot ng mensahe ang mga opisyal sa mga estudyante.
Nakatanggap ang bawat benepisyaryong mag-aaral ng halagang P4,000. Bukod dito, mula sa personal na pondo ng punong-bayan ay nagkaroon din ng sorpresang pa-raffle ang lokal na pamahalaan na ang bawat mabubunot ay makakatanggap ng 2,000 pesos.
Samantala, nakatanggap din ang ayuda ang ilang tricycle driver sa labas ng Convention Center kung saan ginanap ang distribution ng educational assistance.