Pagkakaroon ng community gardens sa mga barangay sa Lucena City, lusot na sa Sangguniang Panlungsod
Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Sangguniang Panlungsod ng Lucena ang panukalang ordinansa na magkaroon ng community gardens ang mga barangay sa Lungsod ng Lucena.
Inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena ang Ordinance No. 2813 na may titulong “An ordinance implementing the Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay o HAPAG sa Barangay” na iniakda ni Konsehal Patrick Nadera, ang chairman ng committee on agriculture.
Sinabi ni Nadera, makakatugon ang nasabing programa sa pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin.
“Isa nang nakikita ng ating nasyunal na pamahalaan ay doon sa mga issues regarding sa pagmahal sa mga bilihin, pagmahal ng mga Gulay at iba pang mga bagay kumbaga mabasawan yung gastos ng ating mga mamamayan at matulungan sila sa pamamagitan ng pagtatanim at matulungan sila ng barangay”.
Aniya, ang programang ito ay nag-aatas sa lahat ng barangay na magsagawa ng community gardens sa pagtutulungan ng pribado at pampublikong sektor. Bawat tahanan at komunidad ay hihikayating magtanim ng gulay at prutas sa mga bakanteng lupa.
“Syempre ini-encourage din ang mga households, mga communities na magtayo ng sarili nilang community gardens”.
Sakaling maging ordinansa, nakadepende raw sa mga barangay kung paano ang magiging sistema at proseso ng isang community garden sa oras na mamunga ang mga itinanim.
“Ito ay discretion ng mga bara-barangay na maaaring magpasa ng lokal ordinansa o barangay ordinance ang mga barangay council kung papaano nila iooperate ang kanilang mga community garden so kung ito ba ay ipapamigay nila o ibebenta nila sa murang presyo sa kanilang mga kabarangay”.
Una nang isinulong ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang programang “Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay o HAPAG sa Barangay Project” na layong masolusyunan ang kagutuman at masiguro ang food security sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga sariwang prutas at gulay”.