Higit P1M halaga ng shabu, nasabat sa babaeng suspek
Arestado sa ilegal na droga ang 31-anyos na babae matapos na magpositibo sa ginawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Pleasantville Subdivision, Barangay Ilayang Iyam, Lucena City.
Ang nakuhang ilegal na droga sa babaeng suspek ay aabot ng higit isang milyong piso.
Kinilala ang suspek na si Jonalyn Sagala, alyas “Jonalyn”, residente ng Purok Atin-Atin, Barangay Marketview kabilang daw ito sa listahan ng Quezon PNP na isa sa mga High Value Individual (HVI).
Ayon kay PCol. Ledon Monte, Direktor ng Quezon PNP, ang nasabing drug buy-bust operation laban sa babaeng suspek na sinasabing tulak umano ng ilegal na droga ay pinangunahan ng mga tauhan ng Provincial Drug Enforcement Unit katuwang ang PDEA Region 4A at Lucena Police dakong alas 10:30 ng gabi, November 15, 2022.
Positibong umanong nabilihan ang suspek ng hinihinalang shabu ng police na nagpanggap na buyer.
Labing-tatlong pirasong sachet ng ilegal na droga ang nakumpiska dito na umabot sa higit 66 na gramo ang timbang na nagkakahalaga ng mahigit P1.3 milyon ang street value.
Nabawi rin ng mga operatiba ang isang libong piso na ginamit bilang marked money.
Ang babae ay lulan umano ng isang motorsiklo patungo sa kanilang transaction place.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Lucena City Police Station (CPS) ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.