News

Honesty store, binuksan sa Lopez, Quezon

Binuksan sa bayan ng Lopez ang kauna-unahang honesty store sa lalawigan ng Quezon na isang konsepto ng tindahan na walang bantay at kusang magbabayad ang mga mamimili.

Pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan ng Lopez ang tindahan na kaugnay umano sa sa kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na maglunsad ng aktibidad o programa para sa pagdiriwang ng ‘We Advocate Time Conscioussness and Honesty’ o WATCH Month.

Sari-saring paninda ang laman ng honesty store tulad ng mga snacks, inumin, noodles at iba pang mga pangangailangan.

Ayon kay Lopez Mayor Rachel Ubana, magandang pagkakataon ito upang maipaalala sa lahat lalo na sa mga kabataan ang kahalagahan ng katapatan bilang isang pagpapahalaga o good value, lalo na sa mga panahong ito na iilan na lang ang nakikitaan ng ganitong pag-uugali.

Ayon pa sa alkalde, bukas ang tindahang ito sa sino mang Lopezeño na nais maglagay ng kanilang produkto o kalakal, kailangan lang makipag-ugnayan sa Local Economic Development and Investment Promotions Office.

Pin It on Pinterest