Iba’t ibang ahensiya, sanib-pwersa sa inspeksyon ng mga negosyo sa General Luna
Nagsanib-pwersa ang iba’t ibang ahensiya at tanggapan sa General Luna, Quezon upang siyasatin ang mga negosyo.
Ayon sa pamunuan ng Business Permits and Licensing Office, layon ng inspeksyon na ito na masiguro na sumusunod ang mga business establishment sa mga alintuntunin at batas na itinakda at ipinapatupad ng pamahalaan.
Kasama ng opisina na nag-ikot sa mga establisyemento nitong Martes sa nasasakupan ng Barangay 7 Poblacion at Brgy. San Jose ang Office of The Mayor, Municipal Planning and Development Office, Engineering Office, Treasurer’s Office, Rural Health Unit at ang Bureau of Fire Protection.
Bahagi din daw ang isinagawang inspeksyon sa paghahanda sa darating na renewal at registration ng mga business permit sa susunod na taon.
Ayon pa sa BPLO, patuloy daw na magpapatupad ang joint inspection team ng pagsisiyasat sa mga susunod na araw, hindi lamang sa poblacion area kundi maging sa lahat ng nasasakupang barangay ng bayan.