Kon. Sunshine Abcede hindi pabor sa appointment ng barangay officials
Hindi pumapabor si Kon. Sunshine Abcede sa binabalak sa kasalukuyan ng adminsitrasyong Duterte na i-appoint na lamang ang mga barangay official at muli na namang i-postpone ang eleksyong pambarangay sa darating na Oktubre ngayong taon. Binanggit pa ni Abcede na kamakailan lamang ay may nakita siyang tarpaulin na nakalagay anya ay “No to Election, Yes to Appointment.” Marami anya ang nakipaglaban at nagsakripisyo sa iba’t ibang paraan upang magkaroon lamang ang mamamayan ng karapatang makapamili ng magiging lider ng bayan. Sinabi pa ni Abcede na malaking parte ng pag-ayaw nito maging ng iba pang indibidwal at grupo sa appoint ng barangay officials ay ang accountability ng mga ito. Kung gagawa ng mali o magsasamantala anya ang appointee ay mananagot lamang ito sa iisang tao samantalang kung inihalal ito ng taong bayan ay mananagot ito sa sambayanan.
Iginiit pa ni Abcede na mas mabuti pa ring sa taumbayan managot ang isang lider kaysa isang tao lamang na nagtalaga dito bilang opisyal.
Muli na namang nanunumbalik ang usap-usapan sa pagpapalibang muli ng eleksyong pambarangay. Pero sa halip na ma-retain ang mga naka-upong opisyal ay nais ng administrasyon na palitan ang mga ito ng ia-appoint ng pangulo.