Lucena PNP, nakahanda na para sa kaligtasan ng publiko ngayong holiday season
Ngayong holiday season, tiyak na dagsa ang tao sa kabayanan ng Lucena City kaya may panawagan ang kapulisan sa publiko na dapat doble ingat sa sarili para hindi mabiktima ng masasamang loob sa ganitong panahon daw kasi lalo na sa matataong lugar sila madalas mambiktima.
“’Yan ang opportunity ng mga magnanakaw para gawin ang kanilang mga various activity, mga kriminalidad na gusto nilang gawin so konting ingat,” pahayag ni P/Supt. Reydante Ariza, Chief of Police ng Lucena City.
Ayon pa sa kanya, magpapakalat sila ng mga police personnel at ng mga sibilyang pulis sa lugar na matatao sa poblacion area ng lungsod at paiigtingin ang police presence ipagbigay alam lang daw sa awtoridad ang mga hinihinalang personalidad.
“Ipagbigay-alam kung mayroon man kayo na nasusubaybayan na hindi taga-rito at iba ang kinikilos ipagbigay-alam lang sa kapulisan at andito lang naman kami at nakaantabay para sa kaligtasan ng mamamayan,” dagdag pa ng hepe.
Nakalatag na rin daw ang plano sa tradisyunal na simbang gabi isa sa mga tinitingnan ay ang mga grupo ng kabataan na kung minsan ay nagdudulot ng kaguluhan.
“Lahat naman ng simbahan dedeployan natin ng pulis ‘yan atleast kahit paano ‘yong presence ng pulis pag may nakitang pulis hindi na sila gagawa ng anumang kasamaan.”