News

Makasaysayang tulay sa Lungsod ng Tayabas sinira!

Magkahalong galit at lungkot ang naramdaman ng City Tourism Office ng Lungsod ng Tayabas sa pagsira sa bahagi ng Malagonlong Bridge na isa sa makasaysayang tulay hindi lamang ng Tayabas City maging ng bansa.

Ang tulay na ito ay deklaradong National Cultural Treasure ng National Museum.

“Lumipas ang mahabang panahon, itinayo ‘yan panahon pa ng mga Kastila. Nagkaroon ng lindol, bagyo, kung ano-ano pang sakuna pero hindi nagagalaw ang ating Malagonlong Bridge tapos ganoon lang ng kung sino man ‘yun,” sabi ni Roselle Villaverde, ang Senior Tourism Officer ng Tayabas City.

January 30, 2023 nang makita na sira ang bahagi ng Malagonlong Bridge na isa sa mga historical bridge ng Tayabas City na itinayo pa noong panahon ng Kastila.

Batay sa report ng Tayabas PNP, sinira ng hindi pa natutukoy na salarin ang nasabing tulay. Patuloy daw sila sa pag-iimbistiga kung ano ang motibo at kung sino may gawa nito.

“Hanggang ngayon ay under investigation pa rin. Noong nireport kahapon sa atin, kaagad naman tayong tumugon doon sa report at nagtatanong-tanong na tayo kung may nakita sila na nagsira,” sabi ni Plt.Col. Bonna Omerga.

Mahigit-kumulang isang metro ang natipak na konkretong bahagi sa gilid ng sinaunang tulay. Mababakas na hindi aksidente lamang bunga ng ano mang sama ng panahon ang pagkakasira dito.

Batay sa imbestigasyon, sinadya raw ito. Naiwan ang mga tipak ng mga pirasong kongkreto ng bahagi ng tulay na nasira.

Sa kabilang gilid, may bahagi pa ng tulay ang tila sinubakan pang pinsalain na nagtamo ng bahagyang pagkabasag.

Sa insidenteng ito, sabi ng residenteng si Mamang Fernando, walang dahilan ang sino man para pinsalain ang tulay. Hindi lang daw dahil sa atraksyon ito sa kanilang bayan, kung hindi sa yaman nito sa kasaysayan. Ang tulay raw ay kinamulatan na niya buhat noon.

“Mahalaga po ‘yan. ‘Yan ay ano eh sinauna, maraming kasaysayan ‘yan, sa kain ay hindi dapat sirain at may kasaysayan po ‘yan,” sabi ni Tatay Fernando.

Ang Tulay ng Malagolong ay ginawa noong 1840 sa ilalim ng pangangasiwa ng kura paroko ng Tayabas na si Fr. Antonio Mateos at natapos noong 1850. Isa ito sa mga nalalabing tulay na bato sa bansa na ipinagawa sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol.

Noong Agosto 12, 2011, idineklara ang Malagonlong Bridge na kasama sa 10 pang mga tulay ng Tayabas bilang National Cultural Treasure.

Ang Malagonlong Bridge ay ang pinakamahabang sinaunang tulay sa bansa, sabi ni Roselle Villaverde, ang Senior Tourism Officer ng Tayabas City. Malaki raw ang ginampanan sa kasaysayan ng tulay. Ito raw ang isa mga pangunahing daanan na nagdudugtong sa iba’t ibang lugar noong panahon ng Kastila para sa kalakalan na isang pamana sa kasalukuyan at dapat pang makita ng mga susunod na henerasyon.

“Pahalagahan po natin ang bahaging po ito ng nakalipas ng ating lahi dahil hindi po ito simpleng tulay lamang dahil ito ay nagpapakita kung gaano kaunlad ang Tayabas noong panahon pa ng Kastila”.

May plano na raw ang lokal na pamahalaan upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari sa kanilang mga Spanish colonial stone arched bridges at ibang makasaysayang gusali.

Pin It on Pinterest