Mga delivery riders, nanawagan na magkaroon ng batas para sa mas pinalakas na proteksyon sa kanila
Nananawagan ngayon ang isang Senador na maipasa na ang panukalang batas na naggagarantiya ng mas pinalakas na proteksiyon para sa mga delivery rider.
Ito ay matapos na matagpuang wala ng buhay ang isang delivery driver na si Noel Escote habang nagpapahinga ito sa kaniyang sariling motorsiklo na ginagamit sa kaniyang hanapbuhay noong November 1 sa Pasig City.
Ayon sa delivery rider na si Alberto, dapat na raw magkaroon ng isang batas para sila ay maprotektahan ang karapatan at kapakanan.
Hindi raw kasi biro ang kanilang trabaho lalo na’t sila ay laging nasa lansangan na nagsusumikap para matulungan ang kaniyang Pamilya.
“Mabigat pero para sa Pamilya kinakaya naman, sa aking palagay nararapat na bigyan kami ng mga benepisyo dahil kami ay kumbaga nagdedeliver kami ng mga ano nila araw araw kaming nasa kalsada kung ano man ang mangyari sa amin wala kaming makukuha”, ayon kay Alberto.
Para naman sa delivery rider na si Dindo, importante raw sa kanilang sektor ang pagkakaroon ng mga benepisyo dahil sa kanilang hanapbuhay.
“Dapat tayong mabigyan ng benefits kasi hindi naman natin masasabi yon eh kasi hindi natin masasabi na yung araw araw nating pagbiyahe ay safe ba tayo, yung araw araw na lang kahit mainit na yung aksidente kailangan may SSS yung ano benefits na nga kung tawagin”, pahayag ni Dindo.
Kung si Julius naman ang tatanungin na isang freelancer, dapat daw ay mabigyan sila ng mga benepisyo dahil katulad niya wala siyang paghahabulan sa oras ng pangangailangan.
“Dapat naman lahat ng tao kaso depende yan sa management gaya natin freelancer wala kaming hahabulin dapat pero wala kaming magawa kasi para may benepisyo dahil araw araw tayong nasa kalsada anytime pwede tayong maaksidente”, sinabi ni Julius.
Ganito rin ang panawagan ng isang delivery rider na si John Michael na sana’y mapansin ang kanilang sakripisyo sa paghahanapbuhay.
“Kayanga sir dapat gumawa ng isang batas na ano sir, para incase ng may mga ganong insidente na may mga sitwasyon yung nasa food panda rider bay un sa Maynila Lala Move rider pa din”, ayon kay John Michael.
Base sa police report, walang nakitang external injury sa cursory examination sa katawan ng nasawing delivey driver. Sinabi ni Senator Risa Hontiveros na dapat magsilbing wake up call ito sa kapwa mambabatas ng lehislatura na agarang matugunan ang nakabinbing mga panukala para matiyak ang karapatan at kapakanan ng tumataas na bilang ng gig economy workers na kinabibilangan ng mga delivery riders at freelancers. Hiniling din ng Senadora sa isang delivery at courier service provider sa bansa na kompaniyang pinagtratrabahuan ni Escote na tulungan ang pamilya ng nasawing rider.
Una rito, inihain ng Senadora ang Senate Bill No. 1373 o ang Protektadong Online Workers, Entrepreneurs, Riders at Raketera or POWERR Act na layong maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng gig economy workers.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga kwalipikadong manggagawa ay maaaring ma-enrol sa government social protection programs gaya ng Philhealth, SSS, Pag-ibig at iba pa. Ang mga online platforms ang siyang liable para sa injuries na natamo ng manggagawa sa paggampan ng kaniyang trabaho lalo na ng delivery riders.
Matatandaang binawian ng buhay si Noel na nagtataguyod sa kaniyang pamilya at sa kompanyang itinuring niyang makakatuwang sa buhay.