News

Mga ibon na ilegal na ibinebenta online, nasagip sa Lucena City

Nasagip ng mga tauhan ng Quezon Maritime Police Station sa isang lalaki ang limang piraso ng box na may lamang Kuling Panot at Kulo-Kulo mga uri ng ibon na ilegal sanang ibebenta sa Lungsod ng Lucena.

Ayon kay PMaj. Francisco Gunio, ang hepe ng Quezon Maritime PNP, sinubakan umanong ibenta online ng isang suspek ang mga ibon na walang kaukulang permiso at dokumento pero nasabat ito sa ginawang nilang buy-bust operation dahilan upang masagip ang mga ibon.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Sonjen Merle, 25-anyos at residente ng Sitio Hituin Brgy. Malicboy ng bayan ng Pagbilao, Quezon.

Ayon sa report ng pulisya, bago isagawa ang operasyon laban sa suspek, isang online transaction ang naganap kaugnay sa bentahan at nang magkasundo sa presyong P300 kada piraso ng ibon na tinatawag na Kuling Panot at Kulo-Kulo, dito na ikinasa ang buy-bust sa Barangay Ibabang Dupay, Lucena City ang lugar na napagkasuduan ng bentahan.

Inaresto ang suspek dahil sa paglabag sa illegal trading of wildlife matapos na mabigong magpakita ng kaukulang permiso kaugnay sa transaksyon.

Ang mga nasagip na ibon ay dinala ng Quezon Maritime PNP Group sa malapit na DENR Office para sa tamang disposisyon.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 27 ng Republic Act 9147 o Illegal Trading of Wildlife ang suspek.

Samantala, ilang beses na nakapag-rescue ang Quezon Maritime PNP ng mga wild life na ilegal na ibinebenta online.

Pin It on Pinterest