Mga magsasaka sa Atimonan, Quezon, sumailalim sa Low Land Vegetable Production Seminar
Sumailalim sa Enhancement Seminar for Low Land Vegetable Production para sa masaganang ani ang nasa 23 magsasaka sa Atimonan, Quezon sa pangunguna ng Office of the Municipal Agriculturist nitong Oktubre 4, 2022.
Ang mga ganitong pagsasanay ay bahagi ng layunin ng local na pamahalaan na mapalakas at mapaganda ang produksyon ng mga Low Land Vegetable Farmers ng bayan.
Naging kalahok sa seminar na ito ang mga magsasakang miyembro ng STAN at SIPAG na nagtatanim ng mga gulay gaya ng sitaw, okra, talong at kalabasa. Sumailalim sila sa pagsasanay ni Engr. Jocelyn A. Rioflorido, Supervising Agriculturist na tumalakay sa paksang Post Harvest Management, Quality Selection, Sorting, Grading (TENOR).
Samantala, tinalakay naman nina Marjorie A. Montalbo, Agriculturist Field Specialist ng Vet Mate Farma Corporation, Raymond Terceño ng Known You Seed Philippines Inc., at Jojo Mendoza ng Harbest Agribusiness ang Pest and Diseases Management in Low Land Vegetable, gayundin ang mga produktong pangsakahan, mga binhi, organikong pataba at pesticide na mabibili sa kanilang mga kompanya.
Nagparaffle at nagbigay rin ng sample na produkto ang mga nabanggit na panauhin upang masubukan ng mga magsasaka kung alin ang pinaka nababagay sa kanilang taniman at pamamaraan ng pagtatanim na makakatulong upang mabilis na mapalago at maging produktibo ang kanilang mga pananim at negosyo.