Mga Tsuper Masaya sa Panibagong Oil Price Rollback
Inabangan ng mga jeepney driver ang rollback sa presyo ng produktong petrolyo nitong Martes, February 14.
Ayon sa mga ito bagamat maliit lang kung maituturing ang rollback malaking tulong na rin ito para madagdagan ang kanilang kita.
“Ayos naman medyo madadagdagan ang kita ngayon dahil malaking bagay din yung dalawang piso”. Arsenio Real
Nasa P2.20 ang bawas sa diesel o krudo, habang wala naman magbabago sa halaga ng gasolina, at P2.50 naman sa kada litro ng kerosene.
Ayon sa mga jeepney driver, malaking bagay ang rollback sa panahon ngayon dahil madadagdagan na naman ang maiuuwi nila sa kanilang pamilya.
Pero umaasa sila na may mga susunod pang rollback lalot para sa kanila, mataas pa rin ang presyo ng diesel.
“Malaking bagay na rin po gawa po nung napupunta sa krudo ay nagiging pera na rin, kahit papaano kikita”. Rommel Sales
“Edi maganda dagdag kita para sa aming mga driver”. Nestor Garcia
Sa ngayon, nadagdagan umano ng nasa isa hangang dalawang daan ang naiuuwi nila sa pamilya.
Base sa monitoring ng Department of Energy o DOE, hanggang noong February 7, P5.10 ang nadagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina, P0.05 sa diesel at P2.25 sa kerosene.