News

Ocular Inspection sa mga beach resort sa Pagbilao, Quezon isinagawa

Nagsagawa ng ocular inspection sa mga beach resort ng Brgy. Bantigue Pagbilao, Quezon ukol sa pagbabawal nilang idaong ang mga bangka ng mga mangingisda at sa mga residenteng nasasakupan nito.

Idinulog ang apila sa DENR-Community Environment and Natural Resources Office o CENRO Tayabas sa pamamagitan ng tanggapan ng Punong Bayan na si Mayor Gigi Portes.

Binisita ang beach resort kamakailan ng DENR CENRO team sa pangunguna ni Cyril Coliflores, kasama sina Kap. Marcelino Melo, OIC MENRO Ronel Rustia, at Agricultural Technologist Rosalie Recaro upang ito ay siyasatin.

Sa naganap na pagpupulong sa Pamahalaang Barangay, wala pa umanong approved foreshore lease ang nasabing lugar.

Kaya sinabihan ng CENRO at Kap. Melo ang beach resort na huwag ipagbawal ang pagdaong, pangingisda, at pagligo sa bahaging ito.

Nangako naman ang kinatawan ng beach resort na makakarating ang napag-usapan sa may-ari.

Laking pasasalamat naman ni Mayor Gigi Portes sa pagtugon ng DENR-CENRO Tayabas sa apila ng mga mangingisda at residenteng Pagbilaowin at ito ay nagawan ng agarang aksyon.

Pin It on Pinterest