News

2 pawikan, nasagip sa Gumaca, Quezon

Dalawang green sea turtle ang nasagip sa karagatang sakop ng Gumaca, Quezon nitong Miyerkules ng umaga.

Ayon sa lokal na pamahalaan, isang residente ng Brgy. Villa Bota ang nakakita sa mga pawikan na agad ipinagbigay-alam at itinurn-over sa Quezon Maritime Police Station.

Isinailalim ang dalawang pawikan sa pagsusuri at matapos na matiyak na nasa maayos na kalusugan at malagyan ng tag ay ibinalik ito sa dagat sa Brgy. Rosario sa tulong ng mga tauhan ng CENRO Calauag.

Nagpapasalamat ang awtoridad sa residente na tumulong upang maibalik ang mga pawikan sa natural na tirahan at patuloy nilang hinihikayat ang publiko na i-turnover ang mga endangered wildlife species na matatagpuan upang mapigilan ang patuloy na pagbaba ng kanilang populasyon at upang mapangalagaan ang mga likas na yaman.

Sa ilalim ng R.A. 9147 o ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act, mahigpit na ipinagbabawal ang panghuhuli, pananakit o pagpatay sa mga endangered wildlife species.

Pin It on Pinterest