P2.8M cash grant na natanggap ng Dolores LGU, ipagpapatayo ng farmers training center
Isa ang Pamahalaang Lokal ng Dolores, Quezon sa anim na Local Government Unit (LGU) sa buong bansa na napagkalooban ng cash grant sa ilalim ng programang Indian Grant Assistance for Implementation of Quick Impact Projects sa pagitan ng Pilipinas at India.
Tinanggap ni Mayor Orlan Calayag ang 2.8 million pesos cash grant mula kina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr at Dr. Sadre Alam, Chargès d’Affaires of the Embassy of India sa isinagawang Signing Ceremony ng naturang proyekto sa PNP National Headquarters, Camp Crame, Quezon City, kamakailan.
Ayon sa Dolores LGU, gagamitin ang pondo para sa pagpapatayo ng UNLAD Farmer’s Training Center na magbibigay serbisyong pang-agrikultura sa mga magsasakang Doloresin.
Sa nasabing center isasagawa ang mga training sa modernong pamamahala ng sakahan, pagpapalago ng mga produktong agrikultura, at iba pang kaalaman na makatutulong sa pag-unlad ng kanilang kabuhayan.
Tinatayang nasa higit 3, 680 rehistradong magsasaka ang makikinabang sa nasabing proyekto.

