News

Household na hindi susunod sa waste segregation, hindi kokolektahin ang basura

“Tungkol naman po sa waste segregation dito sa amin, maayos po naman,” ito ang sinabi ni Kapitan Filipina Flancia ng Barangay 9 sa Lungsod ng Lucena sa eksklusibong panayam ng Bandilyo.ph ukol sa mahigpit na pagpapatupad ng waste segregation scheme sa kanilang nasasakupan.

Una nang nagsagawa ng bandilyo at pagpupulong ang Sangguniang Barangay upang ipabatid sa mga residente nito ang mahigpit na pagpapatupad sa waste segregation scheme upang mapanatiling malinis ang lugar.

“Ang ginawa po namin kinapulong po lahat po namin ang amin pong sanggunian, ang aming mga purok leaders, ang aming magbabasura at ilan sa mga sektor ng mga kababaihan po dito. Sinabi po namin sa kanila na kailangan po na paigtingin po natin ang segregation ng ating basura,” ang kwento pa ng kapitan sa Bandilyo.ph.

Ayon pa sa punong barangay, ang mga kabarangay nilang hindi susunod sa waste segregation scheme ay hindi kokolektahin ang basura.

Saas nito, “sinabi rin po namin sa mga kabarangay naming na once na ito po ay hindi nakalagay sa tamang lalagyan o ito po ay sama-sama, hindi po namin ito kokolektahin. Maari po silang magalit sa aming magbabasura pero yan po ay ipinag-uutos na po ng batas na magsegregate po ng mga basura.”

Pin It on Pinterest