Suplay ng Galunggong ng Lucena galing lamang sa Lalawigan ng Quezon
Maaaring walang epekto sa Lungsod ng Lucena ang pagpapatupad ng Closed Season sa pangingisda ng galunggong sa Northern Palawan. Karamihan daw kasi ng supply ng galunggong ng lungsod ay nagmumula lamang sa mga karagatang sakop ng Lalawigan ng Quezon.
Ayon kay Palomar, “hindi ko masasabi kung maapektuhan tayo ng closed season sa Palawan, kasi kalimitan ng ating suplay dito ay nanggagaling sa Atimonan at sa Gumaca, yong iba siguro nag-aangkat sa Malabon pero wala pa naman akong balita na tayo ay nanggagaling ang suplay ay sa Palawan.”
Ganon paman, sa ngayon ay kakaunti lamang ang mga tindang galunggong sa naturang pamilihan, sinabi ng ilang maninindahan ng isda na kakaunti ang dumadating na suplay.
“Kakaunti ang suplay ng galungong kasi mahal kaya kakaunti ang dating saka sa pier wala namang masyadong nadating ng galunggong kaya mahal,” ayon kay Aling Tessie na nagtitinda sa pamilihan ng isda.
“Kakaunti ang dating natin ngayon gawa ng hangin, gawa ng panahon,” ayon pa sa isang nagtitinda rin sa pamilihan.
Itinuturong dahilan ng kakulangan ng suplay ngayon ng naturang isda sa pamilihan ay ang masamang panahon dulot ng hanging habagat. Pumalo naman sa hangang 260 pesos ang kada kilo ng galunggong sa Lucena City Public Market. Kaya tuloy ang ilang mamimili, pakala-kalahati nalang muna ang binili.
Pansamantalang isinara ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pangingisda ng galunggong sa Northern Palawan. Ayon kay BFAR National Director Eduardo Gongona, tatagal ang closed fishing season mula November 1, 2021 hanggang January 31, 2022. Ito na ang ikapitong taon na nagpatupad ang BFAR ng closed fishing season.