Paglipat ng partido ni Mayor Dondon Alcala ayos lang kay Cong. Kulit Alcala
Walang naging problema kay 2nd District Congressman Vicente Alcala ang paglipat ng partido ng kanyang pamangking at Lucena City Mayor Dondon Alcala kamakailan lang. Ayon kay Cong. Alcala ay kumunsulta ang alkalde sa kanya tungkol sa usapin at kanya daw itong pinayuhan. Ayon pa sa kongresista ay sinabi niya sa nakababatang Alcala na kung sa kanyang tingin ay makakabuti para sa mga Lucenahin ang paglipat ng partido at makakabuti rin para sa karera pulitika ng alkalde ay walang magiging problema para sa congressman. Idinagdag pa ni Cong. Kulit Alcala na hindi naman ito lilipat ng partido agad agad dahil may mga tinatapos pa aniya siyang mga bagay bagay.
Ayon sa 2nd district Congressman, ang paglipat anya ng partido para sa kanya ay ginagawa lamang kung ang partidong lilipatan ay susuporta sa lumipat. Ano pa anya ang halaga ng paglipat ng partido kung wala ding makukuha o mapapalang suporta dito. Dagdag pa ni Cong. Kulit ay hindi magiging problema sa taumbayan kung ano ang kinabibilangang partido ng isang pulitiko kung ito ay nakakapagsilbi sa taumbayan. Hindi importante ang partido ayon pa kay Alcala kung nagsisilbi anya ng tama sa taumbayan, may prinsipyo ay paninindigan ang isang lider. Maaari anyang manalo ang isang kandidato o pulitiko ng kahit walang partido kung taglay nito ang mabubuting katangian na kanyang nabanggit.
Matatandaang noong nakaraang eleksyon ng 2016 ay nanalo si Cong. Alcala sa ikalawang distrito ng lalawigan ng Quezon ng halos hindi dumadalo sa mga pa-meeting o caucus noong panahon ng halalan. Naniniwala si Alcala na alam ng mga botante na maayos ang kanyang pagta-trabaho kaya siya nanalo sa kabila ng madalang na pagpapakita sa tao noong panahon ng kampanyahan.