News

Palakihan, Pasarapan at Paligatan ng Suman, tampok sa pagdiriwang ng Mayohan Festival 2023 sa Tayabas City

Kasabay ng pagpapasinaya at pagbabasbas sa bagong City Hall ng Lungsod ng Tayabas nitong Martes ng umaga, May 9 na itinayo sa Barangay Baguio.

Isinagawa rin ngayong araw sa labas ng New City Hall ng Tayabas ang Palakihan, Pasarapan at Paligatan ng Suman 2023.

Tampok dito ang mga gawang suman ng mga Grupo ng Rural Improvement Club of Tayabas mula sa iba’t ibang barangay ng lungsod.

Isa si Kapitana Veronica Reyes sa pitong lumahok sa naturang aktibidad na mula sa Barangay Ilayang Palale, halos anim na oras daw bago makagawa ng suman na tumitimbang ng 15 kilo.

“Almost 6 hours po bago maluto, ito po ay isang patimpalak ng RIC na kung saan ang mga farmers kami po lahat ay 7 participants 15 kilo na suman.”

Ayon naman kay Tayabas City Tourism Officer Roselle Villaverde, ang aktibidad na ito ay bilang bahagi ng pagdiriwang ng Mayohan Festival sa lungsod.

Aniya, ang suman daw ay isa rin sa mga ipinagmamalaking produkto ng siyudad.

“Ang paligatan, pasarapan at palakihan ng suman ay ginagawa po tuwing Mayohan Festival ito po ay sa tulong ng City Agriculture Office. Bakit po namin ito ginagawa? Sapagkat ang suman po ay isa rin sa ipinagmamalaking produkto ng Tayabas dahil ito po ay isang produktong agricultural din dahil ito po ay itinatampok pag San Isidro.”

Magugunitang libo libong tao ang nakikisaya sa Hagisan ng Suman Festival sa lungsod. Ang pagdiriwang ay kaugnay sa kapistahan ng patron ng mga magsasaka na si San Isidro Labrador.
Kaugnay nito, hinikayat ni Villaverde ang publiko na makisaya sa May 15 para sa Hagisan ng Suman Festival sa lumang City Hall.

Pin It on Pinterest