Grade 2 student, patay matapos mabundol ng SUV sa Tagkawayan, Quezon
Patay ang isang Grade 2 student na lalaki matapos umanong mabundol ng isang SUV sa kahabaan ng Quirino Hi-way Brgy. Rizal sa bayan ng Tagkawayan, Quezon nitong Linggo, January 22.
Ayon sa report ng pulisya, binabagtas umano ng naturang sasakyan bandang alas 2:30 ng hapon na minamaneho ng isang 51-anyos na driver ang direksyon patungong Maynila nang biglang tumawid ang biktima kung kaya nabundol ito.
Dahil dito, nagtamo ng matitinding pinsala sa ulo ang biktima na nagresulta sa agaran nitong pagkasawi.
Samantala, kusa namang sumuko ang driver ng SUV na si Emmanuel Borres Jr. na residente ng Brgy. Sahod Ulan Tanza, Cavite sa mga awtoridad habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa aksidente.