News

Panganib sa pagtawid sa tulay ng mga estudyante, sinolusyunan sa Brgy. Mayao Castillo

Maayos at ligtas na ngayong nadadaanan ng mga residente at estudyante ang tulay sa Purok Riverside ng Barangay Mayao Castillo sa Lungsod ng Lucena.

Ito’y matapos na isaayos ng Pamahalaang Barangay ng Barangay Mayao Castillo sa pangunguna ni Kapitan Jun Garcia ang naturang tulay na nagdudugtong sa Barangay Mayao Parada.

Sa ginawang hakbang na ito ng barangay, maiibsan na ang kalbaryo ng mga residente matapos aksyunan ni Garcia ang mapanganib na pagtawid sa tulay ng mga estudyante para maiwasan ang aksidente.

“Kasi nagko-cause ng aksidente sa mga estudyante, marami kasi kaming mga estudyante ng Mayao Castillo na sa Mayao Parada pumapasok at doon nag-aaral at malapit kasi yon sa school ng Mayao Parada kaya instead na maglakad sila sa Mayao Castillo Elementary School ay doon na sila pumapasok kaya medyo talagang yung lugar na yon ay vulnerable,” sabi ni Garcia.

Ayon sa punong barangay, kaagad niyang inaksyunan ang naturang problema matapos na makarating sa kaniyang kaalaman ang panganib na pagtawid sa tulay ng mga estudyante at para na rin hindi na umano maulit pa ang nangyaring aksidente noon.

“Dati kasi naman yon ay meron ay nagato na siguro ay mga 12 years na yon ay hindi pa ako Kagawad non pero inabot ko yun nab ago pa noong 2010 inabot ko siya na maayos pa unti-unti siyang nagato kahit pa siya ay bakal ay medyo kinalawang din kaya meron akong isang kinder siya non na naaksidente ron na naputol ang litid kaya yon tayo ay umaksyon na kasi baka madagdagan pa yung mga mabiktima nung sirang tulay na ‘yon,” ani Garcia.

Sariling bunot daw ng opisyal ang mga materyales para sa nasabing pagawain dahil hindi ito napabilang sa budget allocation ng barangay. Una nang nagtulong tulong ang mga opisyales ng barangay at mga residente sa lugar upang matiyak na ligtas ang dadaan dito.

“Na surprise din kasi sila eh hindi nila alam na bibili ako ang inadvice ko lang ay all elected officials at yung mga walang gagawin so medyo nagvolume na kaya medyo mabilis na natapos at yung mga residente ron ay nakiisa rin sa tumulong din sila sa pamamagitan ng kanilang makakaya kumuha tayo ng mga skilled, welder, cutter kasi hinahati yon,” ani Garcia.

Nanawagan si Kapitan Garcia sa publiko na pangalagaan ang tulay para mapanatili itong maayos sa mahabang panahon at magamit pa ng susunod na henerasyon.

Pin It on Pinterest