PBBM, iniutos ang pagbibigay ng gratuity pay sa COS at JO gov’t workers bilang pagkilala sa kanilang pagsusumikap
Iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbibigay ng gratuity pay para sa mga COS o Contract of Service at JO o Job Order na mga manggagawa ng gobyerno bilang pagkilala sa kanilang pagsusumikap.
Ang Administrative Order No. 3 na nilagdaan ng Pangulo kahapon ng Biyernes, December 23, ay nagsasaad na ang lahat ng manggagawang JO at COS sa gobyerno na nakapagbigay ng maayos na serbisyo ay maaaring bigyan ng hindi hihigit sa P5,000.
Kasama sa mga makatatangap ay ang nakapagbigay ng kabuuan o hindi bababa sa apat na buwan ng actual satisfactory performance of service ayon sa itinakda sa kani-kanilang mga kontrata as of December 15, 2022.
Makatatanggap din ng hindi hihigit sa P4,000 ang mga manggagawang nagseserbisyo mula tatlong buwan at hindi pa umaabot sa apat na buwan habang P3,000 naman para sa mga nasa serbisyo ng mahigit dalawang buwan pero hindi pa umaabot sa tatlong buwan at P2,000 naman ang ipagkakaloob sa mga hindi pa umaabot sa dalawang buwan ang serbisyo.