Proyekto sa Barangay 5, Lucena City para sa vendors maraming natuwa!
Marami ang natutuwa sa paglilipat ng mga vendors sa bahagi ng Profugo St., kung saan dinarayo ng mga manggagawang Lucenahin ang mga ibinebentang street food. Ayon kay Kapitan Edward Sybang ng Barangay 5 na siyang nakakasakop sa lugar, natutuwa anya ang ilang nakausap nito dahil bukod sa ligtas ang lugar ay mas maganda anila ngayon ang kanilang bilihan at kainan ng mga itinitindang pagkain. Hindi rin naman nalayo sa dati nilang pwesto ang mga vendors dahil mula sa Profugo St., sa gilid ng simbahan ay nasa panulukan lamang halos ito ng Profugo at Granja St., na madaling makikita kung nasa datihang lugar lamang nakatayo ang isang naghahanap na customer. Bukod sa mga lamesa at upuan at dati pa rin anya ang setup ang mga nagtitinda rito. Sinabi ni Kapitan Sybang na nakalagay na sa plastic na baso ang mga bilihin at dito na rin inilalagay ang sauce ng mga street food. Sa halaga anyang sampung piso ay dalawang klase na ang mabibili ng isang gustong kumain.
Pagdating naman sa kalinisan ng lugar na nilipatan ng mga nagtitinda sa tabing kalsada ay sinabi ni Kapitan Sybang na bawal stall ay mayroong lalagyan ng basura o pinagkainan ng mga customer at dito itinatapon ang mga pinaglagyan ng pagkain. Binabantayan din anya ng mga nagtitinda ang bawat customer at kusa nang liligpitin kapag umalis na ang mga bumili at itatapon na ang mga naiwang basura upang hindi na kumalat pa sa loob o labas ng kanilang lugar.
Nagpasalamat naman si Kapitan Eduard Sybang sa mga nakatuwang at sa patuloy na nagbibigay ng suhestyon upang maging mas mabuti ang pagsisilbi ng mga nagtitinda sa kanilang proyekto. Binanggit din ng kapitan ng Brgy. 5 na nasa proseso at pinag-aaralan na nila ngayon ang extension ng lugar dahil tagos anya ito sa kabilang kalsada sa Bonifacio Street.