News

90% ng crime incidents sa Lucena City, naresolba na

Nasa 90% ng index crime sa Lungsod ng Lucena ang naresolba na, ayon sa bagong Officer-in-Charge ng Lucena City Police Station na si PLTCOL. Ruben Ballera Jr.

Ang pahayag ay ginawa ni Ballera matapos itong mag-courtesy call ngayong araw sa mga opisyales ng Sangguniang Panlungsod ng Lucena.

“Hindi po ganon agad kadali ‘yung challenges na humarap agad sa akin. Actually po, sa ika-2nd night po as OIC may nangyari po kaagad na another shooting incident, so ang challenge po agad sa akin is una to solve ‘yung other crime incidents naman po natin dito sa Lungsod ng Lucena is actually po solve ang ibig sabihin po kasi ng solve is nakapagfile po tayo o nakapagrefer po tayo ng information sa prosecutor office then arrested po ‘yung perpetrator,” ani Ballera.

Sinabi ni Ballera, sa kaso ng shooting incidents sa lungsod ay nakapagtala ito ng 11 bilang mula Enero hanggang sa kasalukuyan at mula sa nasabing bilang, 7 dito ang sinampahan na ng kaso.

Binabantayan na raw ngayon ng Lucena PNP ang mga insidente ng pamamaril dahil sa naitalang mataas na bilang nito.

“Ito lang po ‘yung tinututukan namin ‘yung incidents po ng murder,” saad ni Ballera.

Dahil dito, mas pinaigting pa ng kapulisan sa lungsod ang pagsasagawa ng checkpoints maging ang police visibility sa mga kalsada partikular na sa Brgy. Ibabang Iyam kung saan nangyari ang sunod-sunod na shooting incidents upang mapababa ang bilang nito.

“So pagkaka-upo ko po kaagad ay inayos ko po ‘yung deployment of troops naming. Nagdeploy dinamihan ko po especially po sa Brgy. Iyam so tingin ko po ‘yun ang naging resulta nung immediate nung may nangyari nung pagkakaupo nung shooting incidents. Naaresto po kaagad namin ‘yung perpetrator. Actually, dalawa po naaresto po namin ‘yung isa at yung isa is identified na naming,” sabi ni Ballera.

Noong May 23, nangyari ang turn-over ceremony sa Lucena City Police Station, pinangunahan ito ni Quezon Police Provincial Director Col. Ledon Monte.

Si PCol. Erickson Roranes ay pinalitan ni PLtCol. Ruben Ballera Jr. bilang officer-in-charge ng Lucena PNP.

Ang 40-anyos na bagong officer-in-charge bilang hepe ng pulisya ng lungsod ay residente ng bayan ng Infanta, Quezon at dati nang na-assign sa Lucena City bilang Chief Intelligence Officer at Deputy Chief ng Lucena PNP.

Siya ay nanggaling sa Directorate for Investigation Detective Management sa Camp Crame bilang Assistant Chief ng Operations Management Division ng Women and Children Protection Center.

Pin It on Pinterest