NewsSports

BACK ON TOP

Huskers, tinuldukan ang win streak ng Warriors

Balik sa number 1 spot ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) South Division ang Quezon Huskers matapos manaig sa makapigil-hiningang bakbakan kontra GenSan Warriors, 86-82, Quezon Convention Center, Hulyo 1.

Pinakaba ang home crowd nang mabura ang 10-bentahe at dumikit sa 82-81 ang iskor sa 2:15 mark mula sa 68-65 sa pagtatapos ng 3rd quarter.

Humapit ng siyam na puntos sa paghahabol si Warriors guard Joel Yu subalit hindi hinayaan ni Huskers star LJ “Mr. Clutch” Gonzales na maungusan ng dayo sa mabibilisang pag-atake sa basket kung saan siya nakasunkit ng ilang foul at maibuslo ang apat na free throws na sumelyo sa pagkapanalo ng koponan.

“Talagang ginawa namin ‘yong best namin. ‘Yong mga ipinapasok sa amin, 100% silang maglaro. Kung sino ‘yong gustong manalo, ‘yon talaga ang mananalo.” pahayag ni Gonzales na tinanghal na player of the game matapos magtala ng double-double 16 points at 10 rebounds.

“Laging kaming ni-reremind sa practice na laging maging ready. Lahat ng kalaban namin malalakas so kailangan talaga naming maging consistent sa ginagawa namin.”dagdag pa niya.

Samantala, malaki rin ang iniambag ni sharpshooter Judel Fuentes para sa South Division Champs na kumamada ng apat na three-pointers at nagrehistro ng kabuuang 22 puntos para tuldukan ang 5-game win streak ng GenSan.

Akyat sa 14-3 ang kartada ng pambato ng Quezon habang bumaba sa 4th seed ang GenSan na may 11-7 standing.

Sunod na makatutunggali ng hari ng south ang Davao Occidental Tigers na may 7-8 win-loss record sa Cuneta Astordome sa July 10, 6:00PM.

Shawe Reyes

SHERWIN REYES reyesmsherwin@gmail.com 0945-576-2236

Pin It on Pinterest