NewsRegional

Mga isda galing sa Taal Lake, ligtas kainin ayon sa BFAR

Apektado ngayon ang kabuhayan ng ilang mangingisda dahil sa paghina ng bentahan ng mga isda tulad ng tawilis na hinahango sa Taal Lake matapos kumalat ang balitang doon umano itinapon ang mga bangkay ng mga nawawalang sabungero.

Tiniyak naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas kainin ang mga isda galing sa naturang lawa.

“Wala pong dapat ipangamba kasi unang una, itong tawilis, small pelagic fish po siya at ang pagkain niya nga po, ‘yung mga planktons na kabilang na diyan yung mga plant-based planktons, at hindi po sila masabi nating carnivorous,” pahayag ni BFAR Chief Information Officer Nazzer Briguera.

Bukod sa tawilis, ligtas din na kainin ang mga bangus na galing sa lawa dahil nananatili lamang ito sa isang lugar na may harang.

Matatandaang mabilis na kumalat ang balita tungkol sa pinalubog na bangkay ng mga nawawalang sabungero matapos lumutang ang whistleblower na si alyas Totoy.

Inilahad niya na higit 34 sabungero at ilang druglords ang pinalabugog sa lawa gamit ang sandbag matapos walang awang patayin.

Pin It on Pinterest