Bagong covered court sa Brgy. Isabang, pinasinayaan
Pormal nang pinasinayaan at binasbasan ang bagong gawang covered court sa Purok Narra, Barangay Isabang sa Lungsod ng Lucena nitong Linggo ng hapon, September 17.
Ayon kay Kapitan Armelito “Melo” Robles, natupad ang proyekto dahil sa ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlungsod ng Lucena na pinondohan ng nagkakahalaga na P5-M para sa nasabing gusali.
Una rito, ayon pa kay Robles, una nang nagpasa ng isang resolusyon ang Sangguniang Barangay para makabili ng lupa sa nasasakupan na pagtatayuan ng gusali na umabot sa mahigit P2-M.
Aniya, magisisilbing lugar o venue para sa mga gawain ng barangay ang naturang covered court at maaaari itong maging evacuation center at recreational venue lalo’t higit sa larangan ng mga aktibidad pampalakasan.
Pinasinayaan ito nina Executive Assistant to the Mayor Rafael Salonga na kumatawan kay Mayor Kuya Mark Alcala, Konsehal Dr. Edwin Pureza, Kapitan Melo Robles, SK Chairman Mikjo Portes at ang bumubuo ng Sangguniang Barangay ng Isabang.
Sa naging mensahe naman ni Vice Mayor Roderick Alcala, bukod sa mga sports activities, mga pagpupulong at iba pang okasyon ng barangay ay magagamit din ang covered court bilang evacuation center sakaling kailanganin.
Nangako rin ang punong barangay na ang bagong gusali ay iingatan at pangangalagaan ng barangay upang sagayon ay magamit pa ng susunod na henerasyon sa lugar.