Biyaheng San Pablo – Lucena City, muling binuksan ng PNR
Muling binuksan ng Philippine National Railways (PNR) ang tren na byaheng San Pablo – Lucena kahapon ng umaga, March 6, 2023.
Ito ay matapos maisaayos ang tulay ng Tabag sa Barangay Bucal, Sariaya, Quezon.
Sa ganap na alas-6:15 ng umaga ay umalis ang biyahe ng tren mula San Pablo na patungong Lucena City at nagkakahalaga ng PHP 50.00 ang pamasahe.
Sa pamamagitan ng isang direktiba, inutos ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ayusin at patibayin ang mga tulay ng PNR na binabagtas ng tren para sa mas maayos na biyahe at kaligtasan ng mananakay at publiko.
Inatasan din ni Sec. Bautista ang mga inhinyero ng PNR na gawing mas masigasig ang regular maintenance at masiguro ang tibay ng mga tulay sa panahong may kalamidad.
Kaugnay nito, personal na ininspeksyon ni PNR General Manager Jeremy Regino ang mga tulay ng Biñan, Tarapichi, at Palicpic – Ayungin na kinumpuni ng PNR Engineering Department.
Dahil sa natapos na pagpapatibay ng mga tulay sa probinsya ng Laguna at Quezon, muli na namang nadagdagan ang inter-provincial trips ng PNR sa linyang Calamba – San Pablo – Lucena.
Kasalukuyan ding kinukumpuni ng mga inhinyero ng PNR ang tulay ng Pipisik na daraanan ng mga PNR trains patungo sa bayan ng Gumaca, Quezon.
Bukod sa Gumaca, magiging konektado rin ang mga byahe ng PNR patungong Hondagua na isang tourist destination sa Lopez, Quezon sakaling matapos ang nasabing tulay.