News

Brgy. Talao-Talao, patuloy ang programang ‘Basura palit Bigas’ para sa mga residente

Patuloy ang programang ‘Basura palit Bigas’ ng Pamahalaang Barangay ng Talao-Talao sa Lungsod ng Lucena sa ilalim ng pamumuno ni Kapitan Reil Briones.

Ayon sa bookkeeper ng barangay na si Norayda Lanzaderas, ito ay bahagi ng solid waste management at food subsidy program ng Pamahalaang Barangay na may layuning makatulong sa kalikasan at mabawasan ang basura sa lugar.

“Ang layunin po ng Sanggunian ni Kap. Briones at Sanggunian para po makatulong na mabawasan at maano ang basura kasi po ‘yun pong nagpapalit talaga pong kinukuha po nila yon para gupitin,” sabi Lanzaderas.

Nitong araw ng Biyernes, December 30, 2022, 50 kilos ng bigas ang naipalit mula sa iba’t-ibang basurang dinala ng mga residente.

Sa katunayan, noong umagang iyon ay 18 kilo ng basurang ginupit-gupit ang ipinalit ni Nanay Nara na may katumbas na 9 na kilong bigas.

Para sa kanya, tiyaga lang ang puhunan para makapagpalit ng bigas dahil malaking tulong daw ang ganitong programa para makatipid sila sa gastusin lalo na’t mahal ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Ilang kilo 18 kilos ano? Bago 9 na kilos na bigas naman ang kapalit, tiyaga-tiyaga lang talaga toy pag hindi ka magtiya wala ka ring pagkain. Ayos naman maigi nga si Kapitan ng gaganyan ng programa malaking tulong sa aming mahihirap,” saad ni Nanay Nara.

Ang senior citizen namang si Nanay Florencia, para hindi raw siya nababakante sa gawaing bahay isinasangat niya ang paggugupit ng mga basura sa pamamagitan ng paglilibang para may aasahang bigas sa pagpapalit ng basura sa barangay.

“Malaki talaga hindi naman makalaot, sige gupit may bigas na bahala na ang ulam basta sige gupit para may bigas,” sabi ni Nanay Florencia.

Nilinaw ng barangay na ang programang ‘Basura palit Bigas’ ay para lamang sa mga residente ng lugar ang maaaring makapagpalit ng bigas tuwing araw ng Biyernes.

“Residente lang po pero may gusto nga po ng ibang residente na magpalit po dito para lang po ito sa residente ng Talao-Talao,” ani Lanzaderas.

Hinihikayat ang mga opisyales ng barangay ang pakikiisa ng mga ito sa pamamagitan ng pag-iipon ng basura upang mapalitan nila ng bigas.

Pin It on Pinterest