Bukod sa mas magsikap para makausad, kailangan daw na magtipid at mag-ipon
Mataas na presyo ng mga bilihin ang iniwan sa mamamayan ng taong 2022, paano ngayon ang kakaharapin ng marami lalo ng mga ordinaryong Pinoy ang 2023 sa harap ng nararanasang kagipitin bunsod ng mataas na inflation rate.
“Kailangang magtipid lalo at mahal ang mga bilihin”.
Sabi ng tricycle driver na si Glenn, bukod raw sa dapat na dagdagan ngayong taon ang dedikasyon sa paghahanap-buhay upang kahit paano ay makasabay sa mga pangangailangan sa gitna ng mataas na presyo ng mga produkto at serbisyo, higit daw kailangan ay magtipid at mag-ipon.
“Siguro ay magtipid-tipid muna gawa ng medyo mahirap ang buhay, mataas ang bilihan, mag-ipon din eh sa panahon natin ngayon parang pabago-bago,” sabi ng tricycle driver na si Glenn.
Umangat pa sa 8.1 porsiyento noong Disyembre ang inflation rate sa bansa mula sa 8.0 porsiyento noong Nobyembre.
Sa inilabas na impormasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA), ito ang pinakamataas noong 2022 at simula noong Nobyembre 2008.
Kaya naman sabi ng tsuper na si Mamang Jersito sa panahon ngayon hindi lang basta doble-kayod, ang kailangan maghigpit ng sinturon at mag-ipon.
“Kailangan ngayon ay magtipid at dagdagan ang sipag, kasi sa nakaraang taon ay hirap na hirap kaya kailangan ngayong doblehin ang sipag at kaunting higpit sa sinturon, kailangan po talagang mag-ipon,” sabi ni Mamang Jersito.
Sabi nila sa panahon ngayon na walang kasiguraduhan ang ginhawa ng buhay, dapat kahit paano handa at matuto sa krisis na dala noon ng pandemya.
Ngayon hindi lang daw dapat maging madiskarte, kailangan din daw na may sobe, ika nga raw, kapag may sinuksok may madudukot.
Bagama’t wala raw kasiguraduhan, positibo naman ang marami na magiging maayos ang kalagayan ng kanilang pamumuhay ngayong taon.