News

Chief of Police ng Lucena City, pinalitan

Pinalitan na ang Chief of Police ng Lucena City

Sa Press Briefing ng Quezon Police Provincial Office umaga ng May 24, 2023, natanong ng mga media si PCol. Ledon Monte, ang Provincial Director ng Quezon PNP kung may kaugnayan sa nangyaring sunod-sunod na shooting incident sa Lucena ang nangyaring palitan ng liderato sa Lucena City Police Station.

Mayroon, ang sagot ng Provincial Director.

“Kung ang tanong n’yo ay may koneksyon siyempre hindi mawawala at masasabi natin na mayroon dahil hindi ka naman maglalagay ng bagong hepe kung walang dahilan,” ‘yan ang sagot ni PCol. Ledon Monte.

Si PCol. Ericson Roranes ay pinalitan ni PLtCol. Ruben Ballera Jr. bilang officer in charge ng Lucena Police Station.

Mag-aalas 4:00 ng hapon May 23, nangyari ang turn-over ceremony sa Lucena CPS, pinangunahan ito ni Quezon Police Provincial Director Col. Monte.

Ang bagong officer in charge bilang hepe ng pulisya ng Lungsod ng Lucena na si Pltcol Ruben Ballera Jr. ay dati nang na-assign sa Lucena City bilang Chief Intelligence Officer at Deputy ng Lucena City Police Station.

Sabi ng bagong opisyal ng Lucena PNP, sisiguraduhin daw nila na mareresolba ang mga nangyaring pamamaril sa lungsod ng mga de motorsiklong salarin.

“Ito naman po ay masusi po nating pinag-aaralan sa tulong po ng Provincial Headquarter. Itong mga insidente na ito rest assured na masosolve natin itong mga incident na ito nakikita po natin kayang-kaya po natin ito ma-solve,” ani PLtCol. Ballera.

Sa ginawang press briefing, sinabi Col. Monte na ikinokonsidera na solved na ang dalawang insidente ng pamamaril sa siyudad. Nasampahan ng kaso at identified ang suspek sa pagpatay sa mag-ama sa Barangay Mayao Castillo noong May 11, droga ang motibo ng salarin.

Sasampahan na rin ng kaso ang suspek naman sa pamamaril noong gabi ng May 12 sa Barangay Ibabang Iyam kung saan dalawa ang sugatan.

Sa insidente ng pagpatay noong May 13, at 16 sa Barangay Isabang, sinabi ni Col. Monte na may mga person of interest na ang mga awtoridad.

Sinabi ng bagong talagang hepe ng Lucena City Police Station, sisikapin nila na hindi na maulit sa lungsod ang mga ganitong pangyayari.

“So, rest assured sa aking pag-upo ay sisikapin ko na hindi na muulit o mababawasan ang ganitong pangyayari,” sabi ni PLtCol. Ballera.

Isa sa instruction ng Provincial Director ng Quezon PNP sa bagong hepe ng pulisya ng Lucena City ay ipagpatuloy at mas paigtingin ang mga kasalukuyang interbensyon sa siyudad laban sa krimen gaya ng ginagawang random checkpoint at mga police visibility at pagpapatrolya at iba pa.

Pin It on Pinterest