News

Serye ng apat na pamamaril sa Lucena City, 50% na ang nareresolba

Naresolba na raw ang dalawang kaso sa apat na magkakasunod na pamamaril ng riding-in-tandem sa Lungsod ng Lucena o halos 50% na.

Ito ang sinabi ni Provincial Director PCOL Ledon Monte ng Quezon Police Provincial Office sa isinagawang Press Briefing ng QPPO sa harap ng mga media practioner kasama ang ilang hepe ng kapulisan mula sa mga bayan ng Pagbilao, Sariaya, Tayabas City at ang bagong hepe ng Lucena City.

Sinabi ni PCOL Monte, nakilala na ang bumaril sa mag-ama na ikinasawi ng mga ito matapos pagbabarilin nitong May 9, 2023 habang sakay ng tricycle. Nadamay ang 12-anyos na batang babae na ihahatid lang sana sa eskwelahan.

“Dahil kahapon tayo nakapag-file na ng criminal complaint at maaari na naming mailahad ang mga pangyayari na ‘yan at bukod don meron pang kasunod kung maaayos bukas ito ay maisasampa na natin ‘yung pangalawa,” saad ni PCOL Monte.

Noong May 10, pasado alas siyete ng umaga sa Barangay Isabang, isang 48-anyos na lalaki na kinilalang si Dennis Amat ang pinatay din ng riding in tandem habang papauwi sa kanilang tahanan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng awtoridad, may kinalaman sa trabaho nito at sa pagbebenta ng lupa ang tinitingnang motibo sa pagpatay.

Gabi ng May 11, sugatan ang dalawang lalaki sa Barangay Ibabang Iyam nang pagbabarilin din ng riding in tandem, ang isang biktima ay tinamaan lamang ng ligaw na bala ang nagngangalang Jordan Pilar ang umanoy target.

May kaugnayan sa iligal na droga at love triangle ang tinitingnang motibo sa pamamaril.

“’Yung pangalawa naman dyan sa malapit nating naresolba ay ito ‘yung pamamaril naman kay Jordan Pilar sa Brgy. Ibabang Iyam noong May 11,” sabi ni PCOL Monte.

Umaga ng May 16, 2023 patay din sa pamamaril ang 33-anyos na lalaking si Charles Moises Vidal sa bahagi ng Purok Narra, Barangay Isabang ang mga pagkakautang ng suspek ang isa mga tinitingnang motibo sa pagpatay, nakakatanggap na raw ng deathreat ang biktima.

Ayon pa sa Provincial Director ng Quezon PPO, mas pinapaigting na ngayon ng mga kapulisan ang pagsasagawa ng patrolya at pagkakaroon ng mga checkpoint operations sa iba’t ibang munisipalidad.

Dagdag pa, kanila na rin umanong tinututukan ang bawat kaso para sa agarang kalutasan nito.

Pin It on Pinterest