Coun. Edwin Pureza, iminungkahi sa SP Lucena ang pag-aayos ng mga linya ng kuryente sa lungsod
Iminungkahi ni Konsehal Dr. Edwin Pureza sa Sangguniang Panlungsod ng Lucena nitong nakaraang regular na session ang pag-aayos ng mga linya ng kuryente sa lungsod na bahagi ng kanyang pribilehiyong pananalita.
Ito ang naging suhestiyon ng konsehal bilang bahagi ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso dahil isa raw sa nagiging sanhi ng sunog ay ang mga pulu-pulupot na kable ng kuryente at mga mababang poste.
“Actually sa atin pong pribilehiyong pananalita ay iminumungkahi po natin sa ating Sangguniang Panlungsod na tayo po ay magkaroon ng maayos na programa, resolution na maaaring makatulong po para ito pong mga sala-salabid o pulu-pulupot na kuryente sa ating lugar ay maisaayos po at napakarami lalo’t higit sa ating laylayan nakaparami po na sala-salabid at napakababa po ng pinagkakalagyan.”
Nais ni Pureza na bigyang-pansin ang ganitong problema upang maiwasan ang maaaring kapahamakan sa hinaharap.
“Dito po nakapaloob sa ating priviledge speech ay ang kahalagahan ng fire protection program sa ating Lungsod ng Lucena dahil hindi naman po lingid sa ating kaalaman dahil dumadami na po uli ang insidente o aksidente dulot po ng sunog dito po sa Lungsod ng Lucena.”
Matatandaang noong March 10 ng taong kasalukuyan, isang hindi inaasahang pangyayari ang naganap na kung saan ay isang sunog ang sumiklab sa Barangay Gulang-Gulang na umabot sa ikatlong alarma ang insidente.
Higit sa pito ang bilang ng mga kabahayan ang tinupok ng apoy sa nasabing barangay na batay sa imbestigasyon ng Lucena BFP, tinatayang umabot sa P200,000 ang danyos ng sunog.
Nasundan pa ito ng nangyaring sunog nitong March 25 sa isang bahay sa Purok San Roque ng Barangay 4 pero naapula agad ito ng mga residente sa pamamagitan ng pagtutulungan bago pa tuluyang lumaki at dumating ang mga bumbero habang nitong March 26 natupok naman ng sunog ang isang bahay sa Purok Ilang-ilang ng Barangay 10 na umabot sa 4 pamilya ang naapektuhan ng sunog sa naturang bahay.
Sa ngayon patuloy naman ang isinasagawang Fire Safety Seminar and Drill ng mga awtoridad na naglalayong itaas ang kamalayan ng publiko pagdating sa fire safety.