News

DA, naglaan ng P3.1 Million Scholarship grant para sa ilang kabataan sa CALABARZON

Aabot sa tig-P315,000 tulong-pinansiyal mula sa Department of Agriculture (DA) ang nakalaan para sa sampung kabataan ng CALABARZON na mapapabilang sa programang Youth Scholarship Grant on Organic Farming 2023-2024.

Ang naturang programa ay naglalayong mapalawig ang organikong pagsasaka at mahikayat ang mga kabataan na pahalagahan at isabuhay ang mga pamamaraan sa larangan ng agrikultura.

Sasailalim ang mga iskolar sa 21 buwang pagsasanay kung saan sila ay sasanayin sa mga pamamaraan ng organikong pagsasaka.

Katuwang sa implementasyon ng programa ang limang Learning Site for Agriculture o Organic/Chemical Free Farm Partners sa rehiyon.

Ang mga ito ay makakatanggap tig-P210,000 bilang internship/mentoring fee. Ang mga kwalipikadong Farm Partners naman ay magkakaroon ng tig-dadalawang mentee o scholars na kanilang tuturuan ng mga kaalaman at pamamaraan sa organikong pagsasaka.

Hinihikayat ng DA Region IV-CALABARZON (DA-4A), DA-National Organic Agriculture Program, at DA-Agricultural Training Institute CALABARZON ang lahat ng interesadong kabataan at kwalipikadong Farm Operators na magsumite ng kani-kanilang aplikasyon.

Ipinapabatid sa lahat ng interesado na maaari na lamang magsumite ng aplikasyon hanggang sa January 31, 2023.

Pin It on Pinterest